Checkup ng Batang Walang Sakit: 2 Taon
Sa checkup sa ika-2 taon, susuriin ng tagapangalaga ng kalusugan ang iyong anak at kukumustahin ang mga kaganapan sa bahay. Sa edad na ito, magiging mas madalang ang mga checkup. Kaya maaaring ito muna ang huling checkup ng iyong anak. Magandang panahon ang checkup na ito upang masagot ang mga tanong tungkol sa emosyonal at pisikal na pag-unlad ng iyong anak. Magdala ng listahan ng iyong mga tanong sa appointment upang matalakay mo ang lahat ng iyong alalahanin.
Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.
Pag-unlad at mga tagumpay
Magtatanong ang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong anak. Oobserbahan niya ang iyong anak na paslit upang magkaroon ng ideya tungkol sa pag-unlad ng bata. Sa pagbisitang ito, karamihang bata ang gumagawa ng mga ito:
-
Pagbigkas ng hindi bababa sa 2 salita nang magkasama, tulad ng "gatas pa"
-
Pagturo ng hindi bababa sa 2 parte ng katawan at pagturo ng mga larawan sa mga libro
-
Gumagamit ng mga kilos tulad ng paghihip ng halik o pagtango ng oo
-
Pagtakbo at pagsipa ng bola
-
Nakakapansin kapag ang iba ay nasaktan o masama ang loob. Maaari silang huminto o magmukhang malungkot kung may umiiyak.
-
Paglalaro ng higit sa 1 laruan sa isang pagkakataon
-
Sinusubukang gumamit ng mga switch, knob, o button sa isang laruan
Mga payo sa pagpapakain
Huwag mag-alala kung mapili sa pagkain ang iyong anak. Ito ay normal. Di-gaanong mahalaga kung gaano karami ang kinakain ng iyong anak sa 1 kainan o sa 1 araw kumpara sa pattern sa loob ng ilang araw o linggo. Upang matulungan ang iyong 2-taong-gulang na kumain nang mabuti at magkaroon ng mabubuting gawi:
-
Panatilihin ang pagbibigay ng iba’t ibang kukutin habang kumakain. Huwag sumuko sa pag-aalok ng mga bagong pagkain. Madalas na inaabot ng ilang pagtatangka bago magsimula ang isang bata na magustuhan ang isang bagong lasa.
-
Kung nagugutom ang iyong anak sa pagitan ng mga pagkain, mag-alok ng masusustansiyang pagkain. Magagandang pamimilian ang hiniwang mga gulay at prutas, keso, peanut butter, at mga biskwit. Magtabi ng mga meryenda tulad ng sitsirya o cookies para sa mga espesyal na handog.
-
Huwag puwersahin ang iyong anak na kumain. Kakain ang batang nasa ganitong edad kapag gutom. Malamang na may mga araw na kakain siya nang mas marami kaysa ibang araw.
-
Lumipat mula sa purong gatas at gawing gatas na kakaunti ang taba o walang taba. Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung alin ang pinakamainam para sa iyong anak.
-
Dapat manggaling sa matitigas na pagkain ang karamihan sa calories ng iyong anak, hindi sa gatas.
-
Bukod sa pag-inom ng gatas, tubig ang pinakamainam. Limitahan ang katas ng prutas. Dapat na 100% katas ng prutas ito at maaari mo itong dagdagan ng tubig. Huwag bigyan ng soda ang iyong anak na paslit.
-
Huwag hayaan ang iyong anak na magpalakad-lakad habang may hawak na pagkain. Isa itong panganib na makasamid. Maaari din itong humantong sa pagkain nang sobra habang tumatanda ang bata.
Mga payo sa kalinisan ng katawan
Kasama sa payo ang:
-
Sipilyuhin ang mga ngipin ng iyong anak nang dalawang beses sa isang araw. Gumamit ng kaunting fluoride toothpaste na hindi mas malaki sa butil ng bigas. Gumamit ng sipilyo na dinisenyo para sa mga bata.
-
Kung hindi mo pa nagagawa, dalhin ang iyong anak sa dentista.
Pagsasanay sa paggamit ng palikuran
Maraming 2-taong-gulang ang hindi pa handa sa paggamit ng inidoro. Ngunit maaaring magpakita ng interes ang iyong anak sa susunod na taon. Kung ang iyong anak ay nagsasabi sa iyo ng tungkol sa maruming diaper at humihiling na mapalitan, isa itong senyales na siya ay naghahanda. Narito ang ilang payo:
-
Huwag pilitin ang iyong anak na gumamit ng palikuran. Maaari nitong mas pahirapin ang pagsasanay.
-
Ipaliwanag sa iyong anak ang paraan ng paggamit ng banyo. Hayaan ang iyong anak na panoorin ang ibang miyembro ng pamilya na gamitin ang banyo, upang matutunan ng bata kung paano ito ginagawa.
-
Maglagay ng arinola sa banyo, katabi ng inidoro. Hikayatin ang iyong anak na masanay sa paggamit nito sa pamamagitan ng pag-upo dito nang nakadamit o nakasuot lamang ng diaper. Habang mas nagiging komportable ang bata, subukang paupuin siya sa arinola nang walang diaper.
-
Purihin ang iyong anak para sa paggamit ng arinola. Gumamit ng isang sistema ng gantimpala, tulad ng tsart na may mga sticker, upang matulungan ang iyong anak na masabik sa paggamit ng arinola.
-
Unawain na mangyayari ang mga aksidente. Kapag naaksidente ang iyong anak, huwag itong gawing malaking problema. Huwag kailanman parusahan ang bata sa pagkakaroon ng aksidente.
-
Kung mayroon kang mga alalahanin o kailangan ng higit pang payo, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan.
Mga payo sa pagtulog
 |
Gamitin ang oras ng pagtulog para mapalapit sa iyong anak. Magkasamang magbasa ng libro, pag-usapan ang mga nangyari sa maghapon, o kumanta ng mga awiting pampatulog. |
Sa edad na 2 taon, maaaring bumaba sa 1 idlip ang iyong anak sa isang araw at dapat na natutulog nang halos 8 hanggang 12 oras sa gabi. Kung natutulog siya nang higit o mas kaunti kaysa rito ngunit mukhang malusog, hindi ito dapat ikabahala. Upang tulungang matulog ang iyong anak:
-
Hikayatin ang iyong anak na magkaroon ng sapat na pisikal na gawain sa araw. Makakatulong ito sa pagtulog nila sa gabi. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan kung kailangan mo ng mga ideya sa masisiglang uri ng laro.
-
Sundin ang rutina sa oras ng pagtulog bawat gabi, tulad ng pagsisipilyo na susundan ng pagbabasa ng libro. Subukang panatilihin ang parehong oras sa pagtulog at rutina bawat gabi.
-
Huwag patulugin ang iyong anak nang mayroong anumang maiinom.
-
Kung problema ang pagpapatulog sa iyong anak sa buong gabi, humingi ng payo sa tagapangalaga ng kalusugan.
Mga payong pangkaligtasan
Kasama sa payo ang:
-
Huwag hayaan ang iyong anak na maglaro sa labas nang walang sumusubaybay. Ituro ang pag-iingat sa paligid ng mga sasakyan. Dapat na palaging nakahawak ang iyong anak sa kamay ng nakatatanda kapag tumatawid ng kalsada o nasa paradahan.
-
Protektahan ang iyong paslit mula sa pagkahulog. Gumamit ng matitibay na screen sa mga bintana. Maglagay ng mga gate sa itaas at ibaba ng mga hagdanan. Subaybayan ang bata sa hagdanan.
-
Kung mayroon kayong swimming pool, lagyan ng bakod ang palibot nito. Isara at ikandado ang mga gate o pinto papunta sa pool. Turuan ang iyong anak kung paano lumangoy. Ang mga bata sa edad na ito ay kaya nang matuto ng pangunahing kaligtasan sa tubig. Huwag kailanman iwanan ang iyong anak nang walang bantay malapit sa isang anyong tubig.
-
Pagsuotin ang iyong anak ng lapat na lapat na helmet kapag nakasakay sa scooter, bisikleta, o tricycle, o kapag nakasakay sa likod ng bisikleta ng isang adulto.
-
Magplano nang maaga. Sa edad na ito, sobrang mausisa ang mga bata. Posible silang mapalapit sa mga bagay na maaaring maging mapanganib. Maglagay ng mga kawit sa mga kabinet. Ilagay ang mga produktong tulad ng mga panlinis at gamot sa lugar na hindi kayang abutin.
-
Maging maingat sa mga bagay na maaaring makasamid. Bilang tuntunin, maaaring makasamid sa sanggol ang isang bagay na napakaliit na kasya sa loob ng toilet paper tube.
-
Turuan ang iyong anak na maging maamo at maingat sa mga aso, pusa, at iba pang hayop. Palaging bantayan ang mga bata sa paligid ng mga hayop, kahit na sa mga kilalang alaga ng pamilya. Huwag kailanman hayaan ang iyong anak na lumapit sa hindi kilalang aso o pusa.
-
Sa kotse, palaging paupuin ang iyong anak sa car seat na nasa upuan sa likod. Dapat paupuin ang mga sanggol at paslit sa car safety seat na nakaharap sa likuran hangga’t maaari. Ibig sabihin, hanggang sa maabot nila ang pinakamataas na timbang at taas na pinapayagan sa kanilang upuan. Tingnan ang mga tagubilin para sa iyong safety seat. Mayroong mga limit sa taas at timbang ang karamihan sa mga convertible safety seat na nagpapahintulot sa iyong mga anak para sumakay nang nakaharap sa likuran para sa 2 taon o higit pa. Dapat sumakay sa likod na upuan ng kotse ang mga batang wala pang 13 taong gulang. Kung may mga tanong, magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak.
-
Itago itong numero ng telepono ng Poison Control sa isang lugar na mabilis makita, tulad ng sa refrigerator: 800-222-1222.
-
Kung nagmamay-ari ka ng isang baril, panatilihin itong walang bala at nakakandado. Huwag kailanman payagan ang iyong anak na paglaruan ang iyong baril.
-
Limitahan ang screen time hanggang 1 oras bawat araw. Kasama rito ang oras ng panonood ng TV, paglalaro sa tablet, computer, o smart phone.
Mga bakuna
Batay sa mga mungkahi mula sa CDC, maaaring makuha ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:
-
Hepatitis A
-
Trangkaso (flu)
Mas nakapagsasalita
Sa susunod na taon, malamang na mas uunlad ang pagsasalita ng iyong anak. Bawat buwan, dapat matuto ng mga bagong salita at gumamit ng mas mahahabang pangungusap ang iyong anak. Mapapansin mo na nagsisimula ang bata na ipahayag ang mas kumplikadong mga ideya at makipag-usap. Upang tulungang mapaunlad ang kakayahan sa pagsasalita ng iyong anak:
-
Madalas na magbasa nang magkasama. Pumili ng mga libro na naghihikayat ng pakikisali, tulad ng pagturo sa mga larawan o paghipo sa pahina.
-
Tulungan ang iyong anak na matuto ng mga bagong salita. Sabihin ang mga pangalan ng mga bagay at ilarawan ang iyong paligid. Matatandaan ng iyong anak ang mga bagong salita na maririnig niyang sinasabi mo. At huwag magsabi ng mga salita sa paligid ng iyong anak na hindi mo gustong ulitin!
-
Sikaping unawain ang sinasabi ng iyong anak. Sa ganitong edad, nagsisimulang sabihin ng mga bata ang kanilang mga pangangailangan at kagustuhan. Patatagin ang pag-uusap na ito sa pamamagitan ng pagsagot sa itinatanong ng iyong anak, o pagtanong ng sarili mong mga tanong upang kanyang sagutin. Huwag mag-alala kung hindi mo maunawaan ang marami sa mga salitang sinasabi ng iyong anak. Ito ay talagang normal.
-
Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan kung nag-aalala ka sa pag-unlad ng pagsasalita ng iyong anak.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.